Levitico 12
Ang Biblia, 2001
Ang Paglilinis ng mga Babae Pagkatapos Manganak
12 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kung ang isang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalaki, siya ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; kagaya nang sa mga araw ng kanyang pagkakaroon ng regla, siya ay magiging marumi.
3 At(A) sa ikawalong araw ang bata ay tutuliin.[a]
4 Siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng tatlumpu't tatlong araw; huwag siyang hihipo ng anumang bagay na banal, at huwag siyang papasok sa santuwaryo, hanggang sa matapos ang mga araw ng kanyang paglilinis.
5 Ngunit kung manganak siya ng babae, siya ay magiging marumi sa loob ng dalawang linggo, gaya ng sa kanyang panahon ng pagkakaroon ng regla; siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng animnapu't anim na araw.
6 “Kapag ang mga araw ng kanyang paglilinis ay matapos na, maging sa anak na lalaki o sa anak na babae, siya ay magdadala sa paring nasa pintuan ng toldang tipanan ng isang taong gulang na kordero bilang handog na sinusunog, at isang batang kalapati o isang batu-bato bilang handog pangkasalanan.
7 Ihahandog ito ng pari[b] sa harapan ng Panginoon, at itutubos para sa kanya; at siya'y malilinis sa agos ng kanyang dugo. Ito ang batas tungkol sa kanya na nanganak, maging ng lalaki o ng babae.
8 Kung(B) hindi niya kayang bumili ng kordero, siya ay kukuha ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ang isa'y bilang handog na sinusunog at ang isa'y handog pangkasalanan. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis.”
Footnotes
- Levitico 12:3 TUTULIIN: pagpuputol ng balat sa kasarian ng lalaki.
- Levitico 12:7 Sa Hebreo ay niya .