Kawikaan 17
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
17 Ang kaunting pagkain na pinagsasaluhan nang may kapayapaan ay higit na mabuti kaysa sa maraming pagkain ngunit may alitan.
2 Pamumunuan ng marunong na lingkod ang nakakahiyang anak ng kanyang amo at sa kanilang mamanahin makakabahagi pa ito.
3 Sinusubok ng Panginoon ang puso ng tao katulad ng pilak at ginto na sinusubok sa apoy kung ito ay tunay o hindi.
4 Ang taong masama ay gustong makinig sa kapwa niya masama, at ang taong sinungaling ay gustong makinig sa kapwa niya sinungaling.
5 Ang kumukutya sa mahihirap ay inaalipusta ang kanyang Manlilikha. Ang taong nagagalak sa kapahamakan ng iba ay parurusahan.
6 Karangalan ng mga loloʼt lola ang kanilang mga apo, gayon din naman, karangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang.
7 Hindi bagay sa hangal ang magsalita ng mabuti, at lalong hindi bagay sa isang namumuno ang magsinungaling.
8 Sa tingin ng iba ang suhol ay parang salamangka na magagawa ang kahit anumang bagay.
9 Kung patatawarin mo ang kasalanan ng iyong kaibigan, mananatili ang inyong samahan, ngunit kung patuloy mong uungkatin ang kanyang kasalanan, masisira ang inyong pagkakaibigan.
10 Sa isang saway lang natututo ang taong may pang-unawa, ngunit ang taong mangmang ay hindi natututo hampasin mo man ng walang awa.
11 Laging naghahanap ng gulo ang taong masama, kaya ipapadala laban sa kanya ang isang taong malupit na magpaparusa sa kanya.
12 Mas mabuti pang masalubong mo ang isang osong inagawan ng anak kaysa sa hangal na gumagawa ng kahangalan.
13 Kapag kasamaan ang iginanti mo sa kabutihang ginawa sa iyo, palaging may masamang mangyayari sa sambahayan mo.
14 Ang simula ng away ay katulad ng butas sa isang dike, kailangang tapalan bago lumaki.
15 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang taong nagpaparusa sa taong walang kasalanan o nagpapalaya sa taong may kasalanan.
16 Walang kabuluhang pag-aralin ang taong hangal sapagkat hindi naman niya hinahangad ang matuto.
17 Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at nagkaroon tayo ng kapatid upang sa kagipitan ay tumulong.
18 Ang taong nangakong managot sa utang ng iba ay kulang sa karunungan.
19 Ang taong gusto ng kasalanan ay gusto rin ng kaguluhan. At ang taong mayabang ay naghahanap ng kapahamakan.
20 Hindi uunlad ang taong baluktot ang pag-iisip, at ang taong sinungaling ay dadanas ng kasawian.
21 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kalungkutan at kabiguan sa magulang.
22 Ang pagiging masayahin ay parang gamot na nakabubuti sa katawan, ngunit ang pagiging malungkutin ay nagpapahina ng katawan.
23 Ang taong masama ay tumatanggap ng suhol upang ipagkait ang makatarungang hatol.
24 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan; ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
25 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapaitan at kalungkutan sa kanyang mga magulang.
26 Hindi mabuti na parusahan ang taong matuwid o ang taong marangal.
27 Ang taong marunong at nakakaunawa ay maingat magsalita at hindi padalos-dalos.
28 Kahit ang mangmang ay parang marunong at nakakaunawa kapag tahimik.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®